Mahal magmahal: A Kuripot’s Guide to Valentine’s Day

Love is in the air. Ganyan daw pag Pebrero na. Ang mga Pinoy nga naman. Katatapos lang ng Pasko, naghahanap na naman ng pagkakagastusan. Dahil accounting major ako, hayaan ninyong gabayan ko kayo sa pinansiyal na aspeto ng Balentayms Day:

For girls:

  • Php 150 – Pang-unli load para hindi maantala ang unlimited textan at tawagan. Pwede ring idaan ang mga special parinig at request sa pamamagitan ng text. Tipong: “Babe, si Cathy, ung klasm8 q. Bngyan ng roses ng bf nia. Corny no? Yuck.” Boys, if you’re reading this, alam na. Bilhan niyo siya ng roses. Labo no? Kasi corny at yuck daw. Pero di mo ba naiisip kung bakit kailangan niya pang ipaalam sayo kung anong natanggap ng kaklase niya? Tinanong mo ba? Close ba kayo ni Cathy o nung bf niya? May tindahan ka ba ng roses at nagrerefer siya ng kliyente? NO! Kasi hint yan – subtle hint. Binibigyan ka ng payo. Kasi buti pa si Cathy may flowers, siya wala!
  • Php 389 – Simpleng make-up set to look your best kapag nginingitian ng matamis ang iyong kasintahan. Pero ateng, alalay lang naman sa paggamit ng mabibili mong makeup. Sa eye shadow, wag masyado maraming kulay na halu-halo. Naaalala mo ba pag nagwa-water color ka nung bata? Di ba yung pinaghuhugasan mo ng brush e nagkukulay-putik pag halu-halo ang kulay? Ganun ang konsepto. Wag naman sulitin ang assorted colors. Di mo kailangan gamitin nang sabay-sabay. Sa blush on naman, wag OA. Ewan ko ba kung bakit yung iba ata e gustong mayroong dalawang bilog na pula sa pisngi. Unless malabo ang mata ng boyfriend mo at yun ang magsisilbing gabay niya kapag hahalik, di naman siguro kailangan magmukhang may target sa pisngi nating mga babae. Saka kung in love ka naman, magbblush ka talaga kahit walang blush on. Sa lipstick na kadalasan ding tinatawag na lipistik, pumili ng kulay na angkop sa iyo. Kung sing-puti ka ni Kris Aquino, pwede ka magsuper red na parang bampirang kakakain lang ng dugo. Pero kung katulad ko ay biniyayaan ka ng maraming melanin, iwasan ang bright red. At bantayan kung magkakasmudge sa teeth mo. Baka pagbintangan kang kumain ng bata na ayaw matulog pag hapon.
  • Php 500 – Kailangan mo ng pabango. Para naman humalimuyak ka at hindi sumangsang. I-testing mo muna. Di tamang gumamit ng bagong pabango dahil di lahat ng mabango sa iba, bagay din sa iyo. Naniniwala akong depende din sa pawis ang talab ng pabango. At wala nang mas masaklap pa sa palpak na pabango. Pabaho ang tawag dun. Gumastos ka pa.

For boys:

(Mas mahaba ang listahan. Sorry, boys. Ganun talaga kasi kayo ang target ng marketing departments ng mga department store at restaurants pag February 14.)

  • Php 300 – Bumili ka ng bulaklak. Kahit ayaw niya, bilhan mo pa din. Lalo na kung sa opisina ay alam nilang may boyfriend siya. Aaminin ko. Likas na inggitera ang mga babae. At parang kabawasan sa pagkababae namin yung lahat mayroon at kami lang ang wala. Isa pa, mabisa itong pambugaw ng mga umaaligid na may masamang balak sumalisi sa girlfriend mo.
  • Php 300 – Ganun ata talaga. Kahit saan naman e. Tsokolate’t bulaklak ang sikat. Combo meal kumbaga. Pero ito ang totoo. Yang tsokolate’t bulaklak e bare essentials pa lang yan. Kumbaga, kanin pa lang. Wala pang ulam. Kung mag-aabot ka lang ng chower (chocolate+flower), makakatanggap ka ng thank you pero isa ka lang sa milyun-milyong lalaki sa mundo na iyan din ang ginawa. Kaya kailangan may edge ka. May gimik! Yung chocolates mo, ikorte mong bouquet at ipadeliver via singing telegram sa opisina niya. O kaya isabit mo ang higanteng flower arrangement na nagsspell ng: “I love you, sweet tooth!” sa sandamakmak na lobo at paliparin mo sa gitna ng soccer field. Para mamatay sa inggit ang ibang girls habang hinahampas ang mga bf nila na matalim ang tingin sa iyo. Gimik ang susi. Kung ayaw mo naman, edi bumili ka ng dagdag na regalo. Creativity goes a long way.
  • Php 500 – Diamonds are forever. Pero dahil di niyo naman anniversary unless Valentine’s kayo nagpakasal, pwede na kahit sa Unisilver ka lang bumili. Tapos pa-engrave mo yung pet name mo sa kanya. Yun nga lang, may kasamang kahihiyan kung tipong ang tawagan niyo ay rocky face at trouble dutch, paumbong at cane vinegar, choc-nut at sundot kulangot, o peanut at brittle. Wag ka mag-alala kuya. Maaalala naman niya yang niregalo mo. Kahit na pag nagustuhan niya ay di mo na makikitang sinusuot niya. Ibig sabihin lang nun, ayaw niyang ma-snatch yan o kaya baduy yung style. Kaya naman iwas-iwasan ang mga hugis bungo o kaya e dog tag na makapal ang kadena. Girlfriend mo siya. Di siya berdugong pangkista.
  • Php 500 – Siyempre pag nag-date kayo, kakain kayo. Ikaw ang taya kasi ikaw ang nag-aya. Yun ang ruling. Iwasan ang pagde-date sa fast food. Lalo na kung kayo yung tipong magkadugtong ang balakang. Kasi halatang couple kayo at halatang makunat ka. Maraming promo ang mga resto kaya pumili ka na ngayon pa lang.

Ilan lamang iyan sa dahilan kung bakit mahal ang magmahal. Lalo na sa panahon ngayon. Lahat ng bilihin tumataas. Pati nga laylayan ng palda ng mga babae, tumataas na! (Siguro dahil mahal na ang tela ngayon at sinusuot nila kahit yung mga nakalakihan na nila.) Kaya naman hindi biro ang pumasok sa relasyon. Sabi nga ng isa kong kaibigan, parang palakol na palapit nang palapit sa bulsa niya ang tingin niya sa palapit na Valentine’s. Kasama dapat sa budget yan. Valentine’s, birthday, anniversary, at Pasko – yan ang mga importanteng araw. Maliban pa yan sa araw-araw na gastos. Bigyan ko kayo ng concrete example:

Ang isang college student ay may average na Php 250 na allowance sa isang araw. Ang Php 60 ay para sa pamasahe, Php 70 sa pagkain, Php 30 para sa pambili ng school supplies, at Php 25 pang-tithes. Yung tirang Php 65 ay para sa mga biglaang gastos saka savings. Yan ay kung single ka. Pero kung may nililigawan ka o girlfriend na, mamamasahe ka papunta at pabalik mula sa kanila. Sabihin na nating Php 30 lang yun. E paano kung mabagal siya dumukot ng wallet pag sabay kayo sa bus, edi dagdag Php 30 pa. Limang piso na lang tira sa’yo. Liban pa yan kung mahilig ka manlibre at mag-merienda! E pang-load mo pa! Plus yung “girlfriend fund” na pang-monthsary ninyo. Paano na niyan? Ip-pressure mo yung parents mo na taasan ang baon mo? Kasi di na kasya? Kasi may special project? Sabagay, special project nga naman ang panliligaw.

Kung mayaman ka, walang talab sa iyo ang lahat ng sinasabi ko. Kasi nga mayaman ka. Paldo-paldo ang pera mo sa pitaka. Sabi nga ni Gloc-9, “…may magarang kotse, wallet na doble-doble…” Pero ito ang tandaan mo. Malalaman mo kung magkano ang gagastusin mo by using percentages. Imbis na gumamit ka ng definite price bracket at sumunod sa payo ng mga barkada mong bugoy, work with percentages. Ilang percent ba ang kaya mo i-allocate para sa mahal mo? Ganun yun. So kung ang average boyfriend ay naglalagak ng 60% ng allowance niya, ganun ka din dapat. Ganun ang prinsipyo. Kung Php 50 lang ang baon ni Jose at binigyan niya ko ng banana cue na kinse pesos ang halaga, dapat Php 300 worth ng banana cue ang ibigay mo kung Php 1000 ang allowance mo. Di naman nakaka-touch na nagbigay ka nga ng Cadbury pero ang bulk ng allowance mo e pinangdo-DOTA mo. DOTA o ako? Yan ang nasa isip ng girlfriend mo.

Ang dami kong sinabi. Pero ito ang totoo. Hindi pera ang katapat ng tunay na pagmamahal. Wag mo sabihing, “Wait lang, bibilhan ko siya ng flowers para maging kami.” (Believe me, may narinig na kong ganyan.) Hindi ganun ang buhay, tol. The best things in life are free, but they come with a price. Wala bang sense? Hmm… Ganito kasi yan. Kung mahal kita, mahal kita, gumastos ka man o hindi. Pero may sakripisyong kaakibat ang pagmamahal. Hindi free kasi kakainin niya ang free time mo. Kakainin niya ang freedom mo makipagflirt sa iba, makipagbarkada, at mag-DoTA. Kakainin niya ang freewill mo dahil di ka na pwedeng mag-desisyon nang di siya kinokonsulta. Kakainin niya ang freedom of speech mo dahil di ka dapat magbitaw ng mga salitang makasasakit sa kanya o sa mga mahal niya.

Ang masaklap kasi, akala ng iba, mahal magmahal dahil sa kailangan ng maraming pera. Kaya naman pag marami nang ginastos, di matanggap kapag nabasted o binreak. Para kasing nabili na ang babae dahil sa laki ng investment. Kaya girls, kung walang pag-asa ang manliligaw, wag niyo na paasahin. Wag na tanggapin ang mga regalong pinag-ipunan niya. Tapatin niyo na. Sa mga lalaki naman, wag niyo na lang kami pagkagastusan. Wag niyo na kami bilhan ng mamahaling mga gamit. Kung ibig sabihin naman nun, sisingilin ninyo kami.

Itago natin sa pangalang Frankie (hindi niya tunay na pangalan) ang isa kong malapit na kaibigan. Walong taon na sila ni Lala (hindi niya tunay na pangalan). Mayroong isang kahon ng sapatos si Frankie sa bahay na naglalaman ng lahat ng resibo na may kaugnayan sa kanila. Tinanong namin kung bakit. Ano yun? Sisingilin niya balang araw? Ipapa-reimburse? Ipapa-audit? Di siya nakasagot agad. Nagtatawanan kaming magkakaibigan. Tapos sumagot siya. Mahaba at paliguy-ligoy. May pagka-defensive pa. Pero kung di ako nagkakamali, ang ibig sabihin niya ay ito: “Pag tinitingnan ko kung gaano na karami ang naibigay ko, naaalala ko na kaya ko pang magbigay ng higit pa. Kasi mas panghihinayangan ko kung mapupunta lang ang lahat sa wala.” Yan ang tunay na lalaki! (Bro, libre mo ko a.)

Mahal magmahal. It’s worth much but it’s worth it. Pag-isipan, pagbulay-bulayan, timbangin. Huwag kang sumugod kung madali kang mapapagod.

9 responses to “Mahal magmahal: A Kuripot’s Guide to Valentine’s Day

  1. Pingback: Pag gas nagmura, masaya. Pag ikaw, masama. « Lumang Pluma·

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s