Akin o Inangkin? Lessons from (my) Plato

A/N: Di tulad  ng mga nauna ko nang naisulat, ang isang ito ay di tungkol sa pag-ibig. Pero tungkol sa tunay na buhay.

Ang akin, akin. Ang iyo, iyo. Magandang motto yan. Para walang gulo. Applicable lalo na sa syota. Walang angkinan. Walang agawan. Walang sigawan. Walang suntukan. Ganyan ako mag-isip pagdating sa mga gamit sa bahay.

Ang tsinelas ko, tsinelas ko. Hindi naman ako maarte. Hindi naman sa madamot ako. Pero di ko nagugustuhan na may gumagamit ng tsinelas ko. Ang tsinelas ko, akin. Kaya nga tsinelas “KO” e. Kasi kung pwede gamitin ng lahat, tsinelas “natin” yun. Pero sa di maipaliwanag na dahilan, kadalasang nagagamit ng iba ang tsinelas ko. Nagwawala ako pag ganun. Bakit? Kasi mahaba ang araw ko. Pagod ako sa paglalakad at palagi akong nakasapatos dahil flat-footed ako (sosyal term sa lampa) at kailangan naka-rubber shoes ako para masuot ang insole support na nireseta ng doctor. Kulob ang paa ko, pawisan, init na init at pagod na pagod. Ang unang kasiyahan ko ay ang maghubad ng sapatos pag-uwi, magtanggal ng medyas, at magsuot ng tsinelas na malamig sa paa. Pero pag may gumamit ng tsinelas ko, mainit na siya. ramdam ko ang invisible footprint ng huling nagsuot, at higit sa lahat, mappwersa akong maglakad nang nakapaa habang hinahanap ang salarin na nagsuot ng mahal kong tsinelas. (Mahal ko ang tsinelas ko, pero hindi siya mahal.) Pag ganun, napapakanta ako ng: “Nasan ang tsinelas ko?! Nasan ang tsinelas ko! @#$% nasan ang tsinelas ko!” by Kamikazee. Pero siyempre di ako nagmumura. (see post)

Ang tuwalya ko, tuwalya ko. Maliban sa tsinelas, madamot/maarte din ako pagdating sa damit. Hanggang maaari, ayokong humihiram ng damit. Kahit sa mga kapatid ko. Liban na lang kung kailangan ko ng dress. Kasi kaunti lang ang dress ko. Kaya maarte din ako magpahiram ng damit. Aaminin ko. Madamot ako. Kasi naman tingin ko sa damit, parang toothbrush. Kasi ang pawis ng tao, di naman talaga natatanggal basta basta. At may takot ako na… you know… magkaroon ng boom! Alam mo na. Kaya naman pag pinahiram kita ng damit, malamang wala kang boom (applause). Kung pinahiram kita at di ko na binawi, uh… Sorry. Pero alam mo na. Higit sa lahat, ayaw kong gumagamit o nagpapagamit ng towel. Kasi pinapahid mo iyon sa buong katawan mong basa. Oo. Malinis dahil bagong ligo. Pero hello… Parang unsanitary naman pag share tayo.

Ang plato ko, plato ko. Sa bahay, tatlo kaming magkakapatid na color-coded ang mga gamit. Pag blue, akin. Pag purple or red, sa kakambal ko. At pag green, sa bunso naming kapatid. Ganun talaga. Toothbrush, hairbrush, bag, at plato. Oo. Pati plato. Libreng plato galing sa Tang ang gamit namin ng kakambal ko. Akin yung puti na may blue lining. Kanya yung orange ang lining (malapit sa red). Si bunso naman, galing sa Knorr kaya green. O di ba? Sosyal! Hehe…

Hindi ako gumagamit ng platong di akin. Platito, oo. Pero ang plato ko, ako lang ang gagamit, at yun lang ang gagamitin ko. Bestfriend ko yun. Pag kailangan ko, andiyan palagi, maaasahan. At walang ibang maaaring gumalaw sa kanya. Naku. Magkakagulo pag may kumanti sa plato ko.

Pero sa di inaasahang dahilan, pinaglaruan ata ako ng Diyos. Tinuturuan.

Kailangan kong pumunta sa overnight event sa school. At ang isa sa mga kailangan dalhin – tsinelas. Di ko pwede dalhin ang pambahay kong tsinelas dahil sira. Madumi ang mga iba kong tsinelas. Kaya wala akong choice kundi manghiram sa kakambal ko. Salamat naman at di niya ako tinanggihan. Ako na maarte at madamot ang nangailangan. Wala akong karapatan mag-inarte. Ang invisible footprint niya ay di ko alintana. At higit sa lahat, kailangan ko lunukin ang pride ko at manghiram. Dahil kuripot ako at ayaw kong bumili. Huwag mo ipagdamot ang isang bagay na maaaring kailanganin mo.

Sa overnight, walang liguan dahil sa school kami nagstay. Kaya ang option e mag-gugo sa lababo, o magbuhos sa hugasan ng mop. Sa laki kong tao, baka magkapasa-pasa ako pag sinubukan ko gawin yun. Pero dahil sa Messiah College ako nag-aaral (free ad), mababait ang mga faculty at staff. Biruin mo, sa bahay ng President at Academic Dean ako nakiligo? Wow! Imposible yan sa iba. Pero privilege talaga na pinayagan nila ako makiligo. Wala akong dalang towel. Kasi ang balak ko, di ako maliligo. Maitim na balak. Bwahaha… Pero sinabi ni Tita Marlyn (Academic Dean namin) na pwede daw sa kanila. At di ko akalain na pahihiramin pa nila ko ng tuwalya. Kahit di ako nanghihiram. Pagdating sa kanila, nakahanda na ang towel. Sino ba ako para tumanggi? Ang awkward naman kung di ko gagamitin ang ibinigay na sa akin. Dahil sa pagkakataong iyon, blessing yun na di dapat tanggihan. Huwag kang mag-inarte kung ikaw ang nangangailangan.

Pag-uwi ko sa bahay, gutom ako, puyat, at pagod. Kaya naman diretso halos sa kusina para lumafang ng adobo na luto ng Tita ko. Naamoy ko na ang ulam. Pero nabigla ako dahil napalitan na ang mga plato namin. Lahat! Malalaking blue na plato na silang lahat! Wala na ang bestfriend kong plato. Gusto ko mag-amok. Tinanong ko si Tita kung nasaan na ang plato ko. Kahit obvious na wala na at malamang tinapon na, gusto ko mamutawi sa kanyang labi. At nang inamin niya na wala na ang bestplate ko, di ko napigilan. Umakyat ako sa library, siniksik ang sarili sa ilalim ng desk, at umiyak. (May uncle kasi ako sa kwarto ko, kaya change location ang drama)

 

Oo. Umiyak ako dahil nawala ang plato ko. Marami kaming pinagsamahan. Akin siya. Sa kanya ako. Akin lang siya. Sa kanya lang ako. Mababaw ba? Siguro. Pero ganun ako. Maniwala kayo’t hindi, umiyak ako sa Diyos ng oras na iyon. Kung susumahin, parang ganito ang pag-uusap namin:

Abby: Lord, bakit kinuha Mo ang plato ko?

God: Binigyan lang kita ng mas marami.

Abby: E ayaw ko ng marami. Gusto ko yung akin!

God: Pano naging iyo yung plato mo?

Abby: Kasi blue yun kaya akin.

God: E ano kulay ng mga plato ngayon?

Abby: Blue.

God: Ayaw mo nun? Madami kang plato.

Abby: E lahat kami ganun gagamitin. Share share.

God: Pero madami ka pa ring plato. Dati isa lang. Ngayon madami. Ang plato mo, plato niyo, mas madaming gumagamit.

Abby: So dapat kahit ano, plato ko? Tapos plato ko, gagamitin ng lahat? Wow.

God: E para saan ba ang plato?

Hindi porket di ikaw gumagamit, di na nagagamit. Hindi porket di iyo, di mo pwede gamitin.

Ganun ang buhay. Ang mga bagay, mga tao, lahat sa paligid, pagpapala lang – ipinahiram. Kung iyo, yun ay dahil may responsibilidad ka. Stewardship. Anak mo kaya dapat mo alagaan. Pero di iyo. (Insert noun here) mo pero huwag mo angkinin. Dahil wala naman talagang pag-aari ang tao. Ibinigay lang ng Diyos. Iniabot ng magulang mo. Inihatid ng boss mo. Pero di iyo. Pag mahigpit ang hawak mo sa isa, di ka na makakatanggap ng higit pa. Masisira mo pa ang nag-iisang mayroon ka. Hold everything loosely, or you’ll lose them.

One response to “Akin o Inangkin? Lessons from (my) Plato

  1. Sobra kong na enjoy tong post na ito kasi nag aamok din ako pag may gumagamit ng gamit ko. Mabuhay ka at saka tenks kay Lord. Seriously.=)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s