Madali Mangarap Pero Mahirap Magsikap

Ano ba ang pangarap mo? Maging doktor? Presidente? Mas mayaman pa kay Bill Gates? Mag-asawa at magpamilya? Isa sa pinakamagandang regalo ng Diyos sa tao ay ang kakayanan nating mangarap. May mga hayop raw na nananaginip. Naniniwala ako kasi yung aso sa probinsya namin, binangungot nung minsan at kumahol nang bigla. Pero maliban lang kung Disney character ang hayop, wala silang pangarap. Wala pa akong narinig na asong lumayas dahil gusto niya tumira sa mas malaking bahay. Kasi ang mga hayop ay may angking kakuntentuhan. Di sila nag-iimbot at naiinggit dahil kung nasaan sila, madali sila makuntento. Pero di ganun ang mga tao.

“Kung mangangarap ka, lubus-lubusin mo na.” Yan ang sinabi sa akin ng tita ko nung sinabi ko sa kanyang makapagtapos lang ako sa kolehiyo e masaya na ako. May punto siya. At tulad ng sinabi ng bandang Kamikazee, libre lang mangarap kaya managinip ka habang gising. Ano ba ang pangarap? Bakit sabi nila marami raw sa mga tao ngayon ay nakalimot nang mangarap kaya raw mahirap ang Pilipinas? Kung ako ang tatanungin mo kung ano ang pangarap ko, ang sagot ko lang ay maging masaya. Kahit noong bata ako, hirap na hirap ako pag tinatanong kung anong gusto kong maging. Usong-uso kasi lalo na sa mga reunion yan. Di ka dumaan sa normal na pagkabata kung di ka natanong niyan kahit minsan. Ang sagot ng mga bata kadalasan, doktor para manggamot ng may sakit na walang pera. Pero paglaki at naging doktor nga, ang mahal naman maningil. Yung batang gusto raw maging presidente ng Pilipinas, konsehal pa lang, kumukupit na ng pondo para pang-print ng tarpaulin. At yan ay kung di ka magbabago ng pangarap. Kasi kadalasan, paglaon ng panahon, madaling nalilimutan ang pangarap mo nung kabataan. Nilulunod ng bulok na sistema ng lipunan ang pag-asa na walang imposible sa mundo. Sinasampal tayo ng katotohanan na di pantay-pantay ang oportunidad na ipinagkakaloob sa bawat tao. Namumulat tayo sa mga sariling limitasyon at kahinaan, at tuluyan na tayong bumibitiw sa mga pangarap natin. Nakakalungkot isipin na tulad ng sinasabi ng mga pulitiko tuwing eleksyon, mahirap mangarap sa panahon ngayon. Oo. Mahirap mangarap. Pero maaari pa rin. Kung sinasabi mong ayaw mong mangarap dahil imposibleng matupad, isipin mo na lang na kung wala kang pangarap, lalong wala kang matutupad. Kung wala kang destination sa buhay, para saan pa ang mga hakbang na ginagawa mo sa araw-araw? Kailangan alam mo kung ano ang gusto mo mangyari para mangyari ito.

Sabi sa pelikulang ‘Three Idiots’: “Let your passion be your profession.” Kung magtatrabaho ka, siguraduhin mong yan ang nakapagpapaligaya sa iyo. Hanapin mo kung para saan ka. Naniniwala ako diyan. Kasi nilikha tayo ng Diyos na may kanya-kanyang kakayanan at kaligayahan. Kasi may niche ka sa mundo. May espasyo na sakto para sa iyo. Kaya pangarapin mong malaman kung para saan ka. Sa Pilipinas, wala raw trabaho para sa lahat. Pero sabi ng mga eksperto, maraming trabaho pero walang mahanap na qualified. Bakit? Kasi yung mga magaling sanang magwelding, nag-aral ng office administration. Yung magaling sanang mag-math, kumuha ng nursing para mag-abroad. Kaya may imbalance. Kasi nagsisiksikan sa sikat na course ang mga tao. Kasi imbis na alamin kung ano ang dapat pangarapin, napalitan ito ng mga pangarap na mag-abroad. Kaya nga may mga doktor na nagiging nars. Kasi mas dinaig ng pangarap nilang makapag-abroad at yumaman yung nauna na nilang pagtawag bilang manggagamot.

Ang panaginip na nangyari, nagkatotoo. Pero ang pangarap, tulad ng pangako, ay tinutupad. Kasi yung pangarap mo ay pangako mo sa sarili mo. Tigilan ang pagiisip kung kailan magkakatotoo ang pangarap at simulan isipin kung paano mo tutuparin ito. May pagkakaiba yan. Para sa akin, ang pangarap ay yung finish line mo para sa sarili mo. Yun yung batayan para masabi mo sa sarili mo na sulit ang pag-ire ng nanay mo para lang mabigyan ka ng buhay. Ang pangarap ay yung inaasinta mo pang marating. Yun din ang dahilan kung bakit humahakbang kang paabante. Kasi para makamtan mo ang elusive na pangarap, kailangan mong kumilos.

Habang buhay, pwede mangarap. Pero huwag naman puro pangangarap ka lang habambuhay. Dahil hindi ganun kahaba ang buhay. Kailangan mo isabuhay ang pangarap mo. Ano ang ibig sabihin nito? Maraming nagsasabing bitawan mo raw ang lahat ng sumasagabal para matupad mo ang pangarap mo. Huwag mo raw paligiran ang sarili mo ng mga negatibong tao na nagsasabing imposibleng maging unang Pilipinong astronaut ka. Wala rin daw kahihinatnan kung mag-aaral ka pa kung ang gusto mo ay maging professional sungka player. Ibuhos daw ang lahat ng atensyon at resources sa isang bagay. May punto sila. Kaya nga noon tinanong ko ang teacher ko kung para saan pa ang pag-aaral ng katinig at patinig kung magiging doktor ako. Para saan ang proper, formal grammar kung magiging Taglish blogger ako? Di ba? Naisip mo na rin yan? Na ang dami nating ipinapasok sa kokote natin na di rin naman natin mapakikinabangan balang araw. Pero ngayon ko naiintindihan kung para saan yun. Hindi importante yung mga capital ng lahat ng lalawigan sa Region VII. Pero kailangan matuto tayo sa disiplina ng pag-aaral. Hindi importante kung ano ba talaga ang x na yan. Kailangan nating matutong mag-isip ng paraan o diskarte para masolusyonan ang mga problema. Hindi ka tatanungin sa job interview kung ano ang six simple machines, pero mahahalata nila kung ikaw yung tipong madaling sumuko kapag nahirapan. Lahat ng bagay, kailangan pagsikapan.

“Mag-aral magtimpla ng kape.” Yan ang bilin ni G. Lourd de Vera sa speech niya sa College of MassCom graduation sa UP. Bawat manunulat kasi, daraan sa stage na tigatimpla siya ng kape. At kahit graduate ka sa UP o sa At-neyoh o sa De L-Salle, lahat tayo kailangang magsimula sa ibaba. Siyempre may mga exemption sa rule. Yung mga panginoong may lupa, hindi kailangang magsaka. Pero para sa karamihan sa atin, pinupuhunanan ng dugo at pawis ang pangarap.

Simple lang ang pangarap ko noon. Nung graduating ako sa high school, alam ko na kung ano ang hilig ko: Basketbol, Bass at Books. Kaya sabi ko sa sarili ko, magiging basketball player ako tapos musician pag gabi at manunulat sa spare time. Simple lang. Iniisip ko minsan, kung makikita ako nung 16-year-old self ko ngayon, babatukan kaya niya ako at bubulyawan dahil hindi ako RP team, wala akong gigs, at wala pa rin akong nap-publish na libro? Nakalimot ba ako sa pangarap? Naligaw ba ko ng landas? Bakit accounting ang tinapos ko? Bakit nga ba ko humintong maglaro? Bakit nga ba di ko ibuhos ang buong lakas at oras ko sa pagbabanda?

“Kailangan mong gawin ang mga ayaw mo para magawa mo ang mga gusto mo.” Yan ang bilin sa akin ng aking magandang identical twin sister nung sinabi kong ayaw kong magtake ng board exam. May punto siya. Si Dra. Vicky Belo, may koleksyong ng bag at sapatos ngayon dahil noon daw wala siyang pambili. Si Ms. Regine Velasquez, may pridyider na puro chocolates. Kasi nagsikap sila enough to earn kung anong gusto nila. May kaibigan ako na gustong maging doktor. Pero hindi siya kayang suportahan ng magulang niya sa med school, kaya nagnursing siya. Ngayon, habang nagtatrabaho, nag-aaral siya ng medicine. Bilib ako sa kanya. Kasi yan ang katotohanan ng buhay… Malaking bahagi ng pangangarap ang paghihirap. Dahil gusto kong makapagsulat ng libro balang araw, magtitiyaga ako para makahanap ng trabaho na mapagkukunan ko ng stability. Dahil gusto ko ng Washburn bass na 5-string, sisikapin kong makapag-ipon ng sweldo galing sa trabahong hindi ko ganun ka-gusto. May three types daw ng plan: Long-term, Mid-term, at Short-term. One thing will lead to another kasi. Kung tulad ko, gusto mo makapagsulat ng libro, malaking sugal kung susulat lang tayo nang susulat at aasang may kukupkop sa atin habang wala pang pumapayag magpublish ng materyal natin. Magsimula sa maliit. Pag-praktisan ang blogospera para mahanap natin ang tunay nating boses at kung nasaan ang mga tenga na handang makinig sa atin. Gusto mong maging pro-boxer? Dapat lahat ng ginagawa mo, may intensyon na makatulong marating iyon. May Diyos nga tayo. Pero Siya rin ang gumawa sa iyo at nagbigay sa iyo ng mga kamay at paa, at ng lakas na magsikap. Si Hesus nga, hindi nagsimulang gawin ang intended purpose Niya sa mundo until He was 30 years old. Kasi He had to fulfill His duties bilang panganay na anak ni Maria at ni Jose na maagang pumanaw. Kaya kahit puno na Siya ng kaalaman noon pang bata Siya, inialay Niya pa rin ang malaking bahagi ng buhay Niya sa pangangarpintero. 2-3 years lang naging manggagamot at guro si Hesus. Ibig sabihin, mas malaking bahagi ng buhay Niya ay iginugol Niya sa ‘mahirap, at di natural’ na trabaho kung saan nasasayang ang kanyang ‘full potential’. Ano ngayon kung kailangan mong maging piyesa sa makinarya ng kapitalismo pansamantala? Edi mag-ipon ka para balang araw, may puhunan kang pera at kaalaman sa pagnenegosyo.

“Ang taong nakatunganga, paglaon nganga.” Hindi yan quote mula sa sikat na tao. Imbento ko lang yan. Pero totoo naman. Marami akong kilalang matatalino pero ayaw magtiis mag-aral. Maraming talented pero ayaw mautusan. Kilos na. Ngayon na. Ang haharapin mo sa hinaharap ay base sa kung paano mo harapin ang pagkakataong nasa harap mo. Libre mangarap pero mahirap magsikap.

 

9 responses to “Madali Mangarap Pero Mahirap Magsikap

  1. Tinamaan ako… gusto kong magmasscomm noon at magtrabaho sa likod ng camera, maging writer t kung anek anek….. Pero… napanghinaan ng loob… sabay sabi… “pagkatapos kong gumradweyt saan ako pupunta? mahihirapan akong maghanap ng trabaho… malamang mas ipapriority ang mga taga-Ateneo, UP, o La Salle… eh wala naman ako dun eh…” Dahil sa naging practical ako at naniniwalang magaling ako sa math noon… nagtake ng accountancy… ayun, pagtutong ko sa course ko… nakakanosebleed din pala… Eh dahil sa hindi naman ako mayaman.. wala akong pinagsisihan,, nakatulong ako sa pamilya ko dahil mabilis akong nakahanap ng trabaho… pero… ramdam ko pa rin ang kulang, di pa rin ako nakamove-on sa iniwan kong pangarap…🙂 Salamat dito… na-inspire ako..

    • Pareho tayo ng sitwasyon ngayon. Kapwa nagttrabaho sa linya ng acctg.🙂 Ok lang yan. Basta pagigihan ang mga dapat gawin at pagbutihan ang mga gusto. Salamat sa pagbabasa.

  2. Pingback: Lumang Pluma, Bagong Papel | Lumang Pluma·

  3. ako naman gusto ko lang makapagmigrate sa abroad kaso maraming maraming sagabal

  4. ako gusto ko maging engr. maregular sa trabaho.. mabuti na rin pala ung tipong minamaliit ka nag kapwa mo para maisip mo sa sarili mo na may kaya ka pang patunayan sa buhay di ung hanggang jan ka na lng. sana lumipas na ang 3 taon at kung sakali makatapos na ako..

  5. minsan na iisip ko bkit di ako ipinanganak sa mayamang pamilya ng sa ganon di ko na prproblemahin ang pang tuition at pang allowance..basta ang hirap nakaka pagod na..

  6. Salamat sa article na ‘to,natutuwa ako sa mga taong katulad mo,na-inspire akong kumilos na habang maaga pa,sana magsilbing guide ito sa akin at mghikayat na mgsikap sa tulong ng Diyos.sa gabing dng ito,kahit na mahirap mg-adjust ay sisimulan ko,Ang hirap kasing mg-aral ng merong Social Anxiety disorder,Insomia pati na dn Paggiging mahinangloob,Nalampasan ko na to noon,salamat talaga sayo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s