Lumang Pluma, Bagong Papel

paper1

 

Katapusan ng Pebrero nung huli kong inilapat ang pluma sa papel na ito. Matagal na panahon na ang lumipas mula noon. Marami na ring pagkakataong lumampas. Marami na ring pangyayaring umalpas. May pananabik sa aking bawat pagpindot ng mga tiklado ng laptop ko para iupdate and blog na ito. May pangamba ring tuluyan nang nawala ang interes ng mga mambabasa ko dahil sa tagal ng pamamahinga ko. Kaya heto ako’t nagbabaka-sakaling sa pangungumpisal ko ay mapatawad ninyo ako at mabigyan ng bagong pagkakataon. Bagong Papel.

May isang bagong kaibigang nagtanong kung bakit daw anglumangpluma.wordpress.com and ipinangalan ko dito. Pabiro akong sumagot na may nauna nang gumamit ng lumangpluma kaya wala akong choice. Pero sige na, ito na’t ikukuwento ko na:

“Ang Alamat ng Lumang Pluma” – Di tulad ng karamihang kaedaran ko at lalong di tulad ng mga kabataan ngayon, hindi ako sanay na magsulat nang di nagsusulat. Bomalabs ba? Ang ibig ko sabihin, di ko kailanman ipagpapalit ang pluma at papel sa keyboard at computer. Kahit di kagandahan ang sulat ko kaya nagmumukhang reseta sa may komplikadong sakit ang mga pahinang dinurumihan ko, at kahit na nakakabawas ako ng puno sa dami ng papel na ginagasta ko, mas nakapag-iisip ako kapag nagsusulat kahit na madalas ay mashadong mabagal ang kamay ko at di makasabay sa utak kong madaldal. [Ang haba ng sentence na yun, pansin mo?] Gets mo na kung bakit pluma? E bakit luma? Hmm… Maliban sa tugma sa tunog ang luma at pluma, tingin ko kasi mahaba na ang inilagi ko dito sa lupa, kaya luma na ko kung tutuusin. At tulad ng pluma na sumusulat hangga’t may tintang ibubuga, ipagpapatuloy ko ang kwento ng buhay ko hanggang may dugo pa na dumadaloy sa akin.

Noon pang kasisimula pa lang ng konsepto ng libreng blogsite, Lumang Pluma na talaga ang gamit kong pangalan sa mga essay, tula, at kung anu-anong reklamo sa buhay na sinasabog ko sa internet. Pero dahil nagkaproblema ang mga dating website na pinopostan ko, napadpad ako rito sa maituturing ko nang tahanan. Bagong Papel.

Matapos ko makagraduate sa college, itinuon ko ang oras ko sa paghahanda sa CPA board exam. Di ako pinalad pumasa, pero mapalad akong nakapagluksa. Ilang buwan matapos iyon, tinutukan ko ang pagtuturo ng theology, gitara at bass, at ang pagsasalita sa pulpito. Pero sa bawat araw na lumilipas noon ay palubog na ako nang palubog sa pinaghalo-halong lungkot, takot, at awa sa sarili. Di kasi madaling makita na ako na lang sa aming magkakapatid ang di pa nagtatrabaho. Pero di ako magpapakaplastik. Masarap ang buhay ko noon. Natutulog kung kailan naisin, walang sinusundang schedule, at laging may oras para gawin ang mga paborito kong gawin – gitara, bass, computer, at maghanda para magpreach. Pero nang maubos na ang kapal ng balat ko, tinanggap ko nang kailangan ko nang maghanap ng trabaho. Bagong Papel.

Higit dalawang buwan na mula nang magsimula akong magtrabaho. Aaminin kong hindi madali para sa akin ang magsikap. “Madali mangarap, pero mahirap magsikap.” Lagi ko yan sinasabi sa sarili ko. Kung avid reader ka ng anglumangpluma, alam mong may post akong yan ang pamagat. Leave a comment at maaari kang manalo ng libreng limited edition t-shirt. Kung di mo pa nabasa, click here.

Naniniwala ako na lahat tayo ay mga pluma. May kanya-kanyang paraan kung paano mag-iwan ng marka. Iba’t iba ng hugis at disenyo, iba’t iba ng kulay at anyo. Pero lahat may kakayanang sumulat ng sariling kwento. May mga maraming tintang laman, at mayroon ding maikli lamang ang itinatakbo ng buhay, pero walang ginawa para hindi maipanulat. May mga tintang natatapon at nasasayang. Mayroon ding natutuyo at nawawalan ng silbi. Pero mayroon ding mga naiiwan lang na baliktad kaya kailangang taktakin, hipan, pukpukin, o lawayan sa dulo para muling makadaloy ang tinta at makatakbo nang maayos.

Naniniwala ako na lahat tayo ay may papel. May ibang malalaki ang papel, pero mayroon ding maliit lang ang kailangan galawan o gampanan. May iba namang mapapel lang talaga kaya dinudungisan kahit ang di naman dapat. Kaya kung di mo alam kung ano ang papel mo, simulan nang magisip at manalangin. Mamasyal ka na rin at baka sakali’y matanto mo kung para saan ka talaga.

Ang pluma ay sumusulat. Ang pluma ay sinusulit. Dahil di natin alam kung gaano nga ba katagal ang buhay natin, dapat ay lubusin natin ang bawat sandali. Iguhit ang dapat iguhit. Isulat sa kasaysayan ang lahat ng kayang isulat. Sa bawat oras na lumilipas, may mga pagkakataong lumalampas. Kaya huwag sayangin ang dapat sulitin.

Ang papel ay sinusulatan. Ang papel ay ginagampanan. Kung nasaan ka ngayon, yan ang papel mong dapat gampanan. Mag-aral kung mag-aaral ka. Magtrabaho kung trabahador. Tumambay kung tambay. Hehe… Joke lang.

May bago nang papel ang lumang pluma. At kailangan kong pagbutihan iyon. Isang bagong simula. Ngayon ay di na ko estudyante. Di na rin ako tambay. Bali-baliko pa ang mga linyang naisusulat ko. Nangangapa pa. Pero di ito ang oras para tumigil.

[…to be continued]

2 responses to “Lumang Pluma, Bagong Papel

    • Sorry sa late reply. Thanks for taking time to mail me and everything. Nakaka-flatter that you even considered na gamitin ang mga salita sa pahina ko. Pero I think you could, and you should, find your own voice. I know kayang kaya mo yan. Kasi unless you’ll cite me as a source and put my words in quotation, hindi magandang practice to borrow another writer’s words. Thanks ulit. Have a great day. I hope pwede tayo magpartner in some other way.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s