Malayang Kamalayan, Malayo sa Malaya

chains

Araw ng Kalayaan ngayon. Independence Day sa Inggles. At kahit di ko birthday, hayaan niyo nang mag-wish ako para sa ating bayan. Na sana tunay tayong lumaya. Malaya na nga ba talaga tayo? Madalas naitatanong yan sa mga essay writing contest. Nababanggit din ng ilang grupong mahilig magtaas ng kamao tuwing pambansang awit. Kung ako ang tatanungin, hindi pa. Malayo pa sa malaya.

Bihag pa rin tayo ng maka-dayuhang ideolohiya. Kung paano sila doon, gusto nating gayahin. Para bang pag gumana sa kanila, tatalab sa tin. Diyan madalas magkamali ang mga business tactician at consultants. Di nila alam na iba ang kaisipang Pinoy. Sa totoo lang, di natin kailangan ng 7 Habits of Highly Effective People ni Covey. Bakit? Kasi we are effective people who happen to have 7 deadly habits (sins). Hehe… Ang mga Pinoy kasi, likas na magagaling. Madidiskarte. Matatalino. At bago tayo matuto ng bagong habit, mas kailangan muna natin kalimutan ang mga naform na at nakaangkla na sa pagkatao natin. Purpose Driven Life ba, Pstr. Warren? Naku, mas kailangan namin ng Life-driven Purpose. Dahil lahat ng bagay para sa Pinoy may dahilan. May purpose. Pero hindi life-driven. Pag tinanong mo ang magnanakaw kung bat niya nagawa yun, may purpose siyang masasabi. Di nga lang niya iniisip yung effect sa life niya. Kaya bago tayo pumulot ng kung anu-anong idea, i-assess muna natin. Kumbaga sa pantalon, alamin mo muna ang size mo bago ka humanap ng style dahil baka makabili ka nga ng uso, di naman pala kasya.

Bihag pa rin tayo ng mga dayuhang idolo. Lahat ng galing sa ibang bansa, mas maganda, mas magaling, mas mabisa, mas uso. Kaya nga kapag nag-guest na sa Oprah o Ellen, aba sikat na dito! Kaya rin piso tumpok ang mga Amerasian na artista. Pag Fil-Am pwede magmodel. Pag JaPinoy, pwede rin. Kahit ano basta may halong ibang lahi. Pag Ita, pinagtatawanan. Pag Italiano, pinapalakpakan. Pag bisaya napasabi ng “Pelepenas”, nakakatawa. Pag Hapon ang nagsabi ng “Piripinas”, nakakatuwa. Anong klaseng trip yan? Dahil madalas kami sa Pampanga noong bata pa ako, madalas din ako makakita ng mga Amerasians – karamiha’y mga anak ng mga Amerikanong GI sa mga Pilipinong GRO na napangakuan ng green card at bright future. Pero sila, hindi sumisikat. Hindi sila nakakapag-artista. Madalang ang nagiging modelo. Bakit? Dahil wala silang accent. Wala silang ‘twang’. Hindi kasi buhol-buhol dila nila. Bu-ol bu-ol lang. Kapampangan kasi. [Peace mga Cabalen. Ali ko bisang madugdugan.] Pag si Lady Gaga o Aerosmith, kahit MOA Arena, sold out. Pero pag OPM, kailangan mag-collaborate para lang makapuno ng venue. Either that or dapat komedyanteng manlilibak ng kapwa Pilipino para nakakatawa. Tangkilikin natin ang sariling atin. Pero para magawa yan, angkinin muna natin ang sariling atin.

Bihag pa rin tayo ng dayang importansya. Hanggang ngayon, bulag pa rin si Juan sa kung ano ang dapat bigyan ng halaga. May mga taong lubog sa utang pero lubog din sa dami ng sapatos, damit, at appliances ang bahay. Napuputulan na nga ng kuryente, sige pa sa gamit ng microwave kahit instant noodles lang naman ang pinanananghalian dahil kulang na sa budget. Di makabayad ng utang pero hindi halos nag-uulit ng damit. Walang pang-tuition ang mga anak, pero bilangin mo kung ilan ang charger sa bahay, magugulat ka. Mahihiya ang CD-R King! May iPhone 5, may iPad, may iPod, pero walang iPon. Ano yun? Mangungumpisal ako ngayon. Hindi kami mayaman. Wala akong mamanahing milyones o malalawak na hacienda. Wala kaming mga aliping saguiguilid. Pero ni minsan, hindi kami na-late magbayad ng tuition. Hindi ko naranasan magsulat ng promissory note para lang makapag-exam. Hindi ko rin naranasang maiwan sa field trip dahil di nakabayad. Areglado lahat. Ganun ang pagpapalaki ng mga magulang ko sa amin. Pero kami yung naka-Advan na sapatos noong elementary habang pakintaban ng Nike at Adidas ang iba. Kung yung iba Kamiseta ang blouse, kami Gong Zhen, Min Lhin, at kung anu-ano pang etiketa na galing Divisoria. Hindi kami nagka-PC hanggang Grade 6, hindi ako nagka-cellphone hanggang nag-high school. Hindi kami nagka-laptop hanggang college, at nananatiling pangarap ang pagkakaroon ng kahit anong gaming console. Tamagotchi lang nga noon, iniyakan ko pa pero di ako nabilhan. Nagka-family computer kami pero by that time, PS2 na ang uso. At isang summer lang ang tinagal nun kasi sayang daw kuryente, magbasa na lang kami. Kasi kahit maliit ang sweldo ng mga magulang ko, mas ginusto nilang magpundar ng encyclopedia kaysa pagbigyan kami na gumaya sa mga kaklase naming maraming Polly Pocket, brick game, Sega Genesis, at Barbie. Di ko alam kung ano ang pangalan ng mga kaibigan ni Barbie, pero kilala ko si Florence Nightingale. Di ko pa natapos ang Crash Bandicoot, pero natapos ko na ang World Book Encyclopedia from A to Z. Di ko alam kung ilang Books na ang Final Fantasy, pero kaya kong irecite ang books of the Bible. Lahat dahil pinalaya kami ng magulang namin sa maling prioridad.

Kung lalaya sana tayo sa mga bumibihag sa tin, uunlad ang Pilipinas at magiging maayos ang bayan natin. Kung lalaya lang tayo sa mga bisyo natin, aangat ang ekonomiya. Kung lahat ng magulang, paglalaanan ng oras makilala ang mga anak nila kesa makilala ang mga bida ng telenovela, mababawasan ang mga batang tambay sa lansangan. Kung ipambibili ng gamot at pagkain ang pinambabayad sa yosi at alak, makakakain nang maayos ang mga anak. Hanggang di tayo tuluyang lumalaya sa mga maling kamalayan, di man natin namamalayan, lumalayo ang kalayaan.

Mabuhay ang kasarinlan! Mabuhay ang Pilipinas!

2 responses to “Malayang Kamalayan, Malayo sa Malaya

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s